Tuesday, July 29, 2008

Ligaw-tingin


Madalas akong dumaan sa kantong iyon
Papunta sa kahit saang destinasyon.
Hindi ko alam kung ano ang dahilan
Kung bakit iyon ang pinipiling daan
Marami namang posibleng ruta
Pero doon pa rin ang aking punta.

Malamang may rason nang pagpili natin
Sa daang ating gustong tahakin
Ngunit sa pagkakataong ito
Hindi ko maintindihan at mapagtanto
Kung bakit dito ang laging tungo
Marahil dahil sa bugso ng puso

Siya nga ba ang dahilan kung bakit ganon
Mas nais lakbayin ng paa ang kantong iyon?
Noo’y di pansin, subsob sa paglakad
Siya nga ba itong nakaguhit sa palad
Sa haba ng biyahe, tumatag ang tuhod
Dahil sa babaeng aking nilulugod

Pagsintang sa malayo’y aking naaaninag
Mananatiling sa malayo ako’y iyong bihag
Pabilis nang pabilis ang pintig ng puso
Kaya pala pagdating ay laging hapo
Ngayo’y alam ko na ang tunay na dahilan
Kung bakit ang iyong kanto’y binabalik-balikan.

0 comments: