Alam kong alam niya kung ano ang nararamdaman ko ng mga oras na ‘yon. Hindi ako nagsalita. Tumingin lang ako sa kanyang mga mata at muling ibinaling ang aking atensiyon sa ginagawa ko.
Maya-maya pa’y tumunog ang aking cellphone. May nagtext. Sa wakas, kahit papano ay nabasag ang nakabibinging katahimikan. Binasa ko ang text na nanggaling mula sa isa kong kaopisina.
Matapos basahin ay muntik ko nang maibato ang aking cellphone. Nanunuot sa aking mga mata ang galit, ang pagkasuklam. Napopoot ako sa kanya. Pero mas naiinis ako sa sarili ko. Bakit ko hinayaang mangyari ‘yon?
Ipinikit ko ang aking mata at huminga nang malalim. Nang imulat ko ito, nakita ko siyang nakatayo sa harap ko at alam kong nakatingin siya sa akin. Namumugto ang kanyang mga mata. Alam kong buong magdamag siyang umiyak. Tila isang malakas na sampal ang kaawa-awang titig niya sa akin.
Hindi ko alam kung dapat ko siyang kasuklaman o dapat ko siyang intindihin. Pare-parehong dahilan. May party, may sayawan, may inuman, nalasing, sumama sa kaibigan, may nangyari. Ang masakit, sa bahay ko pa naganap. And worse, she was my best friend.
Nakita kong muling tumulo ang luha mula sa kanyang mga mata. Gusto ko iyong punasan, tulad nang madalas niyang gawin pag nalulungkot ako. Pero wala akong lakas. Ni hindi ako makatayo mula sa aking kinauupuan. Pinanghihinaan ako ng loob. Gusto kong magsalita at isumbat sa kanya ang lahat ng kanyang pagkukulang. Pero nanatili ako sa aking kinalalagyan.
Hinawakan niya ako sa aking balikat at bumulong. Mahinang bulong na tumunaw sa buo kong pagkatao. Nahihiya ako sa sarili ko. Ni hindi ko ito magawang tingnan ng diretso sa mata. Hindi ko rin napigilan ang pagtulo ng luha ko. Inihagis ko ang mga gamit na nasa ibabaw ng mesa. Nagwala ako, naghumiyaw. Gusto ko nang wakasan ang buhay ko ng mga oras na iyon. Muli kong nakita ang cellphone ko at muling tumakbo sa isip ko ang mensaheng iyon.
Pare, ngayon ang libing ni Jen,
Wala ka bang balak pumunta?
Kasalanan ko ang lahat. Ako ang dahilan kung bakit siya namatay. Kung hindi ako uminom nang marami. Kung alam ko lang na tutuksuhin ako ng aking best friend, hindi na sana ako sumama sa party na ‘yon.
Pauwi na dapat ako. Pero nalasing ako, inuwi ako ng aking best friend at may nangyari sa amin. Hindi ko akalaing sosorpresahin ako ng aking gf.
Nandun si Jenny, nakatayo sa may pinto. Nahuli niya kaming nasa kalagitnaan nang pagtatalik. Gusto kong ipaliwanag ang mga nangyari pero patakbo siyang umalis. ‘Yon ang araw ng aming anniversary. Sh*t!
At ‘yun din ang araw kung saan nabangga ang sasakyang minamaneho ni Jen. Hindi na siya umabot pa sa ospital. Idineclare siyang DOA.
Napalupaypay ako sa sahig. Nandun pa rin siya, ang taong kanina pa nakatitig sa akin, humihikbi, mugto ang mga mata. Alam kong alam niya ang nararamdaman ko ng mga oras na iyon. At sa isang iglap ay bigla siyang nawala. Ngayon, wala na akong masisi kundi ang aking sarili. Pero kahit na isisi ko sa kanya ang lahat, alam kong babalik sa akin sapagkat ang taong iyon… Siya ay… Siya ay… Ako…
____The End____
Note: This was an attempt to write a flash fiction back in college. I was bored waiting for our Math 17 professor so I decided to write something on my notebook. This was the story. I was glad I was able to rummage through my old stuff and able to find this. I was really so emo back then. Haha. :)
0 comments:
Post a Comment