Lilingon… Titig… Babawiin… Lilingon… Bubuntong-hiniga… Yuyuko… Iyon ang madalas kong gawin habang hinihintay ko siya.
Matagal-tagal na rin akong nakaupo sa bangkong ito sa parke, ‘di kalayuan mula sa aming bahay. Palagi na lang niya akong pinaghihintay.
Kung minsan nga naiinip na rin ako. Nakakasawa. Buti pa ‘yung mga taong dumadaan sa harap ko, masaya sila. Wala silang inaalala… Wala silang hinihintay.
Nagawa ko na nga ata lahat ng klase ng posisyon sa pag-upo e wala pa rin siya. Minsan, naisipan kong pagmasdan ‘yung mga taong dumadaan. Hindi ko pa ‘to nagagawa ni minsan sa aking paghihintay.
Una, may dumaang bata, lalaki. Nakasuot siya ng maluwang na polo at kulay asul na shorts. Cute ‘yung polo niya kasi may mga burda ng cartoon characters.
May suot siyang party hat. Ang saya-saya niya habang naglalakad. Tapos, huminto siya sa harap ko. Tinignan niya ‘yung lobo na nakatali sa kamay niya. Natanong ko sa sarili ko, ano kaya ang iniisip nung bata?
Bigla niyang ibinaling ang tingin sa akin. Ngumiti ako. Bahagya rin akong nagtaka sapagkat walang kasama ‘yung bata? Gusto ko na siyang lapitan para itanong kung nasaan ang kanyang mga magulang pero nung patayo na ako, may tumawag sa kanya at patakbo siyang lumapit sa pinanggalingan ng boses.
‘Di ko na napansin kung sino ang tumawag sa kanya kasi may isang magandang babae na parating. Sabi ko, astig, ngayon ko lang naisip na maganda rin pa lang maging mapagmasid, sana noon ko pa ‘to ginawa.
Matangkad siya, ‘yung babae. Naka-mini skirt na black at pulang tanktop. Hayop ang dating, para siyang cover model ng FHM. Tulad nung bata, tumigil din siya sa harapan ko. Humikab. Nagsindi ng sigarilyo, humitit ng ilang beses, tumingin sa akin at kumindat.
Tapos may tumawag sa kanya. Hindi ko naman alam kung sino, basta napansin kong nagulat siya. Binitawan niya ang hawak na sigarilyo at tinapakan. Tumakbo siya sa pinanggalingan ng boses.
Susundan ko sana siya ng tanaw nang may biglang kumalabit sa akin. Nung una hindi ko pinapansin, maya-maya pa, nakuha rin niya ang atensiyon ko. Humarap ako at nakita ko ang isang matandang babae na nakalahad ang kamay, aktong humihingi ng limos.
Maamo ang mukha ng matanda. Pero halos hindi mo na makita dahil sa nanlilimahid na itsura. Kaawa-awa talaga ang kanyang ayos.
Dumukot ako ng beinte sa aking bulsa at nakangiting inabot sa matanda. Humingi pa ako ng tawad sapakat ‘yun lang ang aking nakayanan pero ngumiti lang siya at hinawakan nang mahigpit ang aking kamay.
Hindi ko alam kung ano ang naramdaman ko ng mga oras na ‘yon. Umalis din siya tulad nung nauna pang dalawa. At muli kong naisip ang hinihintay ko.
Darating pa kaya siya? Ilang minuto pa, tumayo na ako at naghanda sa pag-alis. Alam kong hindi na siya darating. Naglakad ako papunta sa highway.
Dahil sa kalungkutan, hindi ko namalayan ang rumaragasang bus na paparating. At sa isang iglap, nagtalo sa aking paningin ang liwanag at dilim.
Ngayon alam ko na, dumating siya… Dumating ang matagal ko nang hinhintay… Hindi niya ako binigo. Pinutol na niya ang matagal ko nang paghihirap sa paglaban sa sakit kong ito.
Hindi na ako muli pang maghihintay, at alam ko na sa aking huling hininga, tinupad niya ang aking kahilingan… At sa wakas, sa pagpikit ng aking mga mata, isang ngiti ang mamumutawi sa aking mga labi, dala ang alaala ng mga taong dumaan sa aking buhay…
0 comments:
Post a Comment