Saturday, February 5, 2011

Pag-asa

Ang bilis naman ng panahon. Minsan, hindi mo na lang mamamalayan, pasko na naman.

Sa bilis ng panahon, maraming bagay ang dumadaan nang hindi mo napapansin.

At dahil sa bilis nang pag-ikot ng mundo, maraming bagay ang hindi mo nabibigyang halaga.

Minsan ba sa buhay mo, nagawa mong huminto at pagmasdan ang kagandahan ng paligid?

Kapag papunta ka sa paaaralan o sa opisina, naranasan mo na bang matigilan at panoorin ang ganda ng kalangitan o maging ang pagsikat ng araw?

Nagawa mo na bang pagmasdan ang magagandang bulaklak na nadadaanan mo? Ang mga nagtataasang punong hitik sa bunga? E ang mga batang masayang naglalaro?

 
Minsan sa buhay ng tao, maraming bagay ang madalas nating balewalain.

Nalulunod tayo sa takbo ng panahon at patuloy tayong nalulugmok ng mga problema, mga suliranin at mga pagsubok.

Dahil dito, marami tayong nakakaligtaang tingnan at pagnilayan.

Madalas, puro panget at masasama ang ating napapansin. Wala ng mabuti. Wala ng maganda.

Pero subukan mong huminto minsan at mag-isip.

Marami pa ring maganda sa paligid mo. Hindi mo lang binibigyan ng pansin.

Marami sa atin, madalas mawalan ng pag-asa.

May mga ilan pa ngang nagpapatiwakal dahil para sa kanila, wala ng kwentang mabuhay.


Kapag hahayaan mong igupo ka ng problema, agad kang susuko.

Hindi mo na masisilayan ang matatamis na ngiti ng mga tao sa tuwing ika’y kanilang babatiin.

Hindi mo makikita ang pagpapaupo ng binatilyo sa matandang nakatayo.


Hindi mo na masasaksihan ang ganda ng langit tuwing dapit-hapon.

At wala na ring saysay sa iyo ang paglipad ng mga paru-paro, maging ang pamumukadkad ng mga bulaklak.

Saan nga ba tutungo ang mga sinabi ko?

Isa lang naman ang hiling ko sa’yo.

Subukan mo minsang huminto.

Huminga ka ng malalim at sabayan mo ng isang matamis na ngiti.

Pansinin mo ang magagandang bagay sa iyong paligid, maging ito man ay simple o karaniwan.

Sabayan ang simoy ng hangin, gumalaw tulad ng daloy ng tubig.

Batiin mo ng magandang araw ang iyong mga kakilala.

Panatilihin ang mga ngiti sa labi.

Pamutawiin ang pag-asa.

Mabuhay ng payapa.

At hindi magtatagal, unti-unti mong mapapansin na kay rami mo pa ring dapat ipagpasalamat at ikatuwa dahil ang buhay natin ay biyaya ng Maykapal.

0 comments: