Sunday, January 16, 2011

Dapit-hapon

 
Muli kong pinagmasdan ang larawang nasa picture frame.

Nabuo sa aking alaala ang imahe ng lalaking nasa litrato.

Matangkad, maputi, at balingkinitan. Nakasuot siya ng salamin at nakapasok ang kanyang mga kamay sa bulsa ng kanayang kupas na pantalon.

“1…2…3… Say cheese!”

Ibinigay niya ang isang matamis na ngiti sa harap ng camera.

Kay ganda ng tanawin sa kanyang likod. Napinturahan ang kalangitan ng papawalang ningning ng sikat ng araw. Kinunan ang larawang iyon noong dapit-hapon ng Disyembre.

Namutawi ang ngiti sa mga labi ng lalaki sa larawan at ramdam ko mula rito ang lubos na kasiyahan. Matagal rin kaming hindi nagkita’t nagkausap ngunit malinaw pa rin sa aking isip ang araw na iyon.

Kay ganda ng kalangitan noon. Bagama’t malamig ang simoy ng hangin, mamamasdan mo pa rin ang giting at ningas ng araw. Nababalungan ang bughaw na langit ng mangilan-ngilang maninipis na ulap.

Huminga ako nang malalim at tumingin sa orasan sa may dingding. Alas-nuwebe na. Alam kong ilang minuto na lang ay darating na siya.

Hindi nga nagtagal ay nagkahulan ang mga aso sa labas. Narinig ko ang isang pamilyar na boses na tumatawag sa aking pangalan.

Mula sa bintana ng aking kwarto, natanaw ko siyang nakatayo at kumakaway. Dala ang backpack sa kanyang likuran, alam kong handa na siya para sa araw na ito.

Dali-dali akong tumayo mula sa aking kama at gumayak panandali. Alam kong naghihintay na siya sa ibaba. Narinig ko siyang nakikipag-usap sa aking ina.

Matapos magbihis ay mabilis akong lumabas ng kwarto bitbit ang aking backpack. Nagpaalam kami kay nanay at sabay na lumabas ng bahay.

Habang naglalakad ay umakbay siya sa akin at ginulo ng kaunti ang aking buhok. Mas matangkad siya sa akin ng ilang pulgada. Tiningnan ko siya at medyo sumimangot.

“Ano ka ba, ginugulo mo ang buhok ko!” Medyo inis kong sabi.

“Sorry na. Natuwa lang naman akong makita kang muli, masama ba yun?”

Hindi ko alam kung bakit ganun na lang ang epekto niya sa akin. Kahit ano atang gawin niya’y hindi ko magawang magalit nang matagal.

Nakita ko mula sa kanyang mukha ang tila itsura ng isang batang inagawan ng kendi ng kalaro. Napangiti lang ako at marahang sinuntok siya sa kanyang tagiliran. Muling nanumbalik ang mga ngiting matagal ko ng hindi nakita mula sa kanya. Iyon ang hudyat na tunay kong na-miss ang mokong sa tabi ko.

Hindi ko alam kung paano nagsimula ang lahat. Basta ang alam ko lang, pareho kaming nagkakasundo sa maraming bagay.

Pareho naming hilig ang musika st pagsulat.

Naalala ko pa noong ginawan niya ko ng isang kanta. Nahihiya man, napilit ko siyang kantahin iyon sa aking harapan. Nakakatuwa siyang pagmasdan. May dala pa siyang pulang rosas na inalay niya sa akin matapos siyang umawit. Hindi man kagandahan ang kanyang boses, may kung anong kurot sa aking puso ang kanyang ginawa.

Mula noon, palagi na kaming nagkikitang magkasama. Hanggang sa madiskubre naming unti-unti kami parehong nahuhulog sa isa’t isa.

Bata pa lamang ay alam ko ng hindi ako katulad ng ibang bata. May mga gusto akong gawin na hindi normal sa isang batang lalaki. Hindi ko kinahiligan ang maglaro ng baril-barilan. Mas gusto ko pang magmukmok sa loob ng bahay at magbasa ng libro.

Iyon pa ang isang pinagkasunduan naming dalawa. Ang aming hilig sa pagbabasa. Madalas kaming magpalitan ng kurukuro at pala-palagay tungkol sa mga nababasa naming akda.

Sumakay kami ng pampasaherong jeep upang pumunta sa parke. Doon kami unang nagkakilala.

Pumwesto kami sa ilalim ng isang malaking puno at inilabas niya ang isang malaking kumot at inilatag sa may di-kalayuan. Doon na namin kinain ang mga iniluto niya. Ito ang isa sa mga paborito niyang gawin, ang magluto.

Matapos makapahinga ay nagyaya siyang manguha ng mga litrato. Tyempo namang dala ko ang aking camera, kinunan namin ng litrato ang bawat minutong kami’y magkasama.

At isa nga sa mga larawan ng araw na iyon ang siyang aking pinagmamasdan ngayon.

Kay layo na nang inilipad ng aking isip. Kay raming alaala na rin ang muling nagbalik.

Hindi ko na lang namalayan, unti-unting tumulo mula sa aking mga mata ang mga luha. Hind ko maintindihan ang aking sarili. Alam kong tanggap ko na ang lahat. Wala na siya. Subalit hindi ito ang ending na gusto kong mangyari. Hindi sa ganitong oras. Hindi sa ganitong paraan.

Nagpaalam siya noon. Siya raw ay pupunta na sa ibang bansa. Kailangan raw sa trabaho. Masakit man sa loob ko subalit kailangan kong tanggapin. Para ito sa kanyang kinabukasan. Hindi ko maaaring hadlangan ang pag-unlad ng taong lubos kong pinahahalagahan. Ayaw kong dumating ang araw na sa akin niya ibunton ang sisi dahil pinigilan ko siya.

Nangako siya sa aking siya’y magbabalik. Pinilit kong panghawakan ang pangakong iyon. Na darating ang araw na muli kaming magkakasama at muli kong masisilayan ang mga ngiting nagbibigay kulay sa aking buhay.

Hindi ko na magawang samahan siya sa airport sapagkat ayaw kong makita niya akong umiiyak. Sa huling araw ng aming pagkikita pinilit kong ngumiti at magpanggap na malakas, para sa kanya. Ayaw kong dalhin niya ang isang malungkot na alaala sa pagpunta niya sa ibang bansa. Gusto kong magsilbing lakas niya kahit siya ay nasa malayo. Subalit sa tuwing maiisip ko kung paano ko siya mabibigyan ng lakas ay unti-unti naman akong pinanghihinaan ng loob. Sa bawat ngiting aking pinakakawalan ay pilit akong iginugupo ng lumbay sa tuwing maaalala kong aalis na ang aking pinakamamahal.

Ilang oras, araw, linggo at buwan na rin ang nakakalipas nang umalis siya. Walang minutong hindi siya pumasok sa aking isipan.

Pinilit kong maging malakas, para sa aking sarili. Para sa kanya. Sa bawat sulat at tawag na mula sa kanya, doon ko hinuhugot ang may kung anong maliit na pag-asang darating nga ang araw na muli kaming magkikita at magkakasama.

Alam ng Diyos kung gaano ko siya kamahal at handa akong isuko ang kahit ano makasama ko lang siyang muli.

Ngunit mapaglaro ang tadhana. Unti-unting nabawasan ang mga sulat at tawag na nagmumula sa kanya. Unti-unting lumamlam ang dating nag-aalab naming pagtingin sa isa’t isa. Malamang dala ng tukso’t pagkarahuyo. Malamang dala ng lungkot at pangungulila.

Hindi ko masisi ang sariling manlamig sa taong minsan kong pinaglaanan ng buong buhay ko. Tumigil ang lahat ng uri ng komunikasyon. Nawala ang mga bagay na nag-uugnay sa aming dalawa. Malamang ay masaya na siya kung nasan man siya naroroon. Malamang ay may iba na siyang pinaglalaanan ng kanyang panahon. Bagama’t hinagpis ang dulot sa akin ng mga pangitaing iyon, wala akong magawa. Tuluyan na nga atang nabali ang pangakong kanyang binitawan. Ngunit tanong ko sa aking sarili, handa na nga ba akong tanggapin ang lahat?

Pinilit ko siyang alisin sa aking isipan. Iwaksi ang kahit anong alaalang siya’y aking nakapiling. Sa sakit na nadarama, nagawa kong humanap ng ibang taong pagbabalingan ng aking pag-ibig.

Marami akong nakilala, marami akong nakasama. Iba’t ibang tao, iba’t ibang personalidad. Pero ni minsa’y hindi ako naging masaya sa piling nila. Niloloko ko lang ang aking sarili, sapagkat alam kong siya pa rin ang nilalaman ng puso ko.

Hanggang isang araw. Isang balita ang dumating na hindi ko inaasahan. Tila isang multo ng nakaraan, siya raw ay nagbalik mula sa ibang bansa. Hindi ko alam kung ano ang aking dapat maramdaman. Galit? Inis? Pagkapoot?

Inanyayahan ako ng kanyang ina na sanay dalawin ko raw siya sa mga huling araw niya sa kanilang bahay. May kung anong lungkot ang namutawi sa boses ng babaeng itinuring ko na rin bilang panagalawan kong ina.

Hindi ko maintindihan ang nais niyang iparating.
“…Sa mga huling araw niya…?”

Hindi man ako handa sa kung ano ang maaaring mangyari o sa kahihinatnan ng aming muling pagkikita, pinagbigyan ko ang hiling ng kanyang ina.

Pumustura ako na tila hindi nagluluksa sa kanyang pagkawala. Nagpabango ako na tila handang mang-akit ng iba. Gusto kong ipamukha sa kanya na hindi siya naging malaking kawalan sa aking buhay. Pinilit kong pagtakpan ang tunay kong nararamdaman.

Pagsapit ko sa harap ng kanilang bahay, napakaraming tao. Karamiha’y nakasuot ng itim. Hindi ko alam kung ano ang meron pero dahan-dahan akong tumuloy.

May mga ilang nagkwekwentuhan, may mga ilang kumakain. At mula sa bukana ng bahay ay may nakita akong mga bulaklak na nakapwesto sa may dingding. Katabi niyon ang isang pahabang kuwadradong kahon.

Bigla akong napatigil. “Mali ba ang bahay na aking napasok?”

Subalit alam kong dito siya nakatira. Dito niya ako unang dinala upang ipakilala sa kanyang ina. Ito ang bahay kung saan kami madalas magkwentuhan at magharutan. Naroon pa rin ang piano kung saan madalas niya akong tugtugan, at wala pa ring ipinag-iba ang lamesa kung saan madalas naming pagsaluhan ang mga iniluluto niya.

Unti-unti akong lumapit sa puting kahong napalilibutan ng mga bulaklak. Bumilis ang tibok ng aking dibdid at unti-unti itong bumigat. Nanginginig ang aking mga paa. At sa ibabaw nga ng kahong iyon, naroon ang larawan ng isang lalaki.

Matangkad, maputi, at balingkinitan. Nakasuot siya ng salamin at nakapasok ang kanyang mga kamay sa bulsa ng kanayang kupas na pantalon.

Sa harap ng camera ay ibinigay niya ang isang matamis na ngiti.

Patuloy ako sa pagluha habang pinagmamasdan ko ang lalaking nakahiga sa aking harapan. Tumanda ang kanyang itsura. Malaki ang ipinagbago. Humumpak ang kanyang pisngi at medyo kumulubot ang mukha. Dala raw ito ng mga gamot na ipinaiinom at itinuturok sa kanya.

Namatay siya dahil sa karamdamang matagal na pala niyang inililihim sa akin. Pumunta siya sa ibang bansa upang magpagamot. Umaasa siyang baka may pag-asa pa siyang gumaling mula sa kanyang karamdaman. Subalit unti-unti siyang nanghina. Uniti-unti siyang iginupo ng kanyang sakit. Iyon ang dahilan kung bakit huminto ang pagtawag at pagsulat niya sa akin. Araw-araw, pinilit niyang labanan ang kanyang sakit. Para sa akin. Subalit hindi kinaya ng kanyang katawan ang lahat.

Patuloy ako sa pagluha habang binabalikan ko ang lahat ng nangyari. Hindi ko akalaing hahantong sa ganito ang lahat. Akala ko’y ako lang ang nakikipagsapalaran upang patuloy na ipaglaban ang aming relasyon. Hindi ko namalayan na sa isang lugar sa malayo ay nakikibaka rin ang taong matagal ko nang ipinaglalaban at muntik ko nang isuko. Sa kabila ng lahat ng aking hinagpis, isang kaluluwa pala mula sa malayo ang patuloy na lumalaban upang maisakatuparan ang pangakong kanyang binitiwan.

Subalit sa lahat nang aming pinagdaanan, natupad niya ang kanyang pangako. Narito siyang muli sa aking piling. Muli niya akong binalikan… Iyon ang huling hiling niya bago siya malagutan ng hininga… Ang mailibing dito sa Pilipinas. At sana sa kanyang huling araw ay muli niyang makasama ang lalaking pinag-alayan niya ng kanyang buhay hanggang sa huli.

“Huwag kang mag-alala, narito na ako sa iyong tabi. Hindi kita iiwan. Narito ka lagi sa aking puso… Patawad kung pinagdudahan ko ang pagmamahal mo sa akin. Mahal kita… Mahal na mahal…”

At sa bawat katagang lumabas sa aking labi ay ang pagsagot sa pangako ng wagas na pag-ibig, at patuloy akong umaasa na balang araw, tayo rin ay magkakasama maging sa kabilang buhay…

2 comments:

Rap said...

natouched naman ako sa kwento moh... sana maging masaya ka pa din despite of what had happened...

Marky said...

Thanks Leonrap! I appreciate you taking the time to read my story. :) Also, thank yuo for the comment. :)